New normal.
Kasama na sa “new normal” ko simula nung lumipat kami dito sa probinsya ang pag-iigib ng tubig sa gabi. Ganito sa probinsya namin eh, mahina ang tubig; kaya gabi bago umakyat ang tubig sa second floor.
Isang gabi napansin ko ang sarili kong nababalisa habang pinagsasabay ko ang pagpapahid ng skin care at pag-iigib. Para ba akong natutuliro na kinakabahang baka makaligtaan ko ang tubig. Sayang naman kasi, aapaw lang. Pero talaga nga namang hindi mapipigilan ang Dyos kapag may gusto Siyang ipaalala sa’yo.
Sa pagmamadali ko, napaalalahan ako ng Dyos Amang “Anak, ‘wag kang mag-alala sa pagsahod at pag-apaw. Umapaw ka lang para sa iba, hindi Ako mauubos. Hindi Ako nauubos.”
Weird ba? Kaya ko rin piniling isulat sa Taglish ito eh, damang-dama ko kasi nung sinabi sa akin ng Panginoon na “Hindi ako nauubos.” Ang galing lang ng Dyos, dahil sa simpleng gawain sa araw-araw, hindi rin Sya nauubusan ng ipapaalala sa iyo; kahit pa sa mga maliliit na bagay na nakakasanayan mo sa araw-araw. (Hindi ko sinasabing hayaan nating umapaw yung tubig sa banyo, malayo doon.) Ang nais ko lang sabihin, napaka-creative ng Panginoon na gamitin ang mga bagay at sitwasyon sa paligid para kausapin tayo.
Sa maikling kwentong ito, gusto ko lang ulitin sa iyong nagbabasa na hindi talaga nauubos ang Panginoon. Maubos ka man, sumahod ka lang. Kung sa tingin mo ikaw yung tipong laging umaapaw sa iba, hayaan mo lang na umapaw ka…sa puntong paubos ka na. Sa ganoong paraan mas mararamdaman mong hindi na galing sa iyong sariling lakas kung bakit umaapaw ka pa. Mas mararamdaman mong buhay ang Panginoon dahil sa kahinaan mo, ganap ang kalakasan Niya.
Hindi Siya nauubos. Kahit ako man mismo ay maubusan ng sasabihin, alam kong Itong salita Niya mismo ang pupuno sa kakulangan ko:
At buhat sa hindi mauubos na kayamanan ng Diyos, ibibigay niya ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ni Cristo Jesus.
Mga Taga-Filipos 4:19 RTPV05
Kaibigan, doon tayo sa hindi nauubos.
Leave a Reply